April 26, 2020 Igaling ang Pagmamadali (Exodo 32:1-14)
1 Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita’y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.”
2 “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa’t mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron.
3 Ganoon nga ang kanilang ginawa.
4 Kinuha ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya.
Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!”
5 Nang ito’y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.”
6 Kinabukasan, maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila’y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan.
7 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako.
8 Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila’y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto.
9 Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo.
10 Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi’y gagawin kong isang malaking bansa.”
11 Nagmakaawa si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.
12 Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita’y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila.
13 Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila’y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.”
14 Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita.