Ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo (Exodo 38:21-31)
21 Ito ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan. Ang listahang ito’y ipinagawa ni Moises sa mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ni Aaron.
22 Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda.
23 Ang pangunahin niyang katulong na si Aholiab ay anak ni Ahisamac at buhat naman sa lipi ni Dan. Siya ay mahusay mag-ukit, isang taga-disenyo at manghahabi ng pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula.
24 Lahat ng gintong ginamit sa santuwaryo ay umabot sa 1,000 kilo ayon sa timbangan sa templo. Ang lahat ng ito’y handog kay Yahweh.
25 Ang pilak namang ibinigay ng mga taong napabilang sa sensus ay umabot sa 3,430 kilo, ayon din sa timbangan sa templo.
26 Ang mga ito ang kabuuan ng lahat ng inihandog ng mga napabilang sa sensus, na umabot naman sa 603,550 katao, mula sa dalawampung taon pataas. Bawat isa’y nagbigay ng kaukulang halaga ayon sa timbangan sa santuwaryo.
27 Ang pilak na nagamit sa mga tuntungan ng santuwaryo at tabing ng bulwagan ay 3,400 kilo: 100 tuntungan na tig-34 na kilo.
28 Ang 30 kilo ay ginamit sa mga kawit ng poste, sa mga dulo nito at sa mga haligi.
29 Ang tansong inihandog kay Yahweh ay umabot naman sa 2,425 kilo.
30 Ito ay ginamit sa mga tuntungan sa pintuan ng Toldang Tipanan, sa altar at sa parilyang tanso gayundin sa lahat ng gamit sa altar,
31 sa tuntungan sa paligid ng patyo, at tuntungan ng poste ng pinto, at sa lahat ng tulos na ginamit sa paligid ng tabernakulo.