July 25, 2021 Ang Pagpupuri Ni Moises (Deuteronomio 32:1-14)
1 “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin, unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin.
2 Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo, ang salita ko nawa’y tulad ng hamog na namumuo; upang halama’y diligan at damo’y tumubo.
3 Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin, ang kanyang pangalan ay inyong dakilain.
4 “Si Yahweh ang inyong batong tanggulan, mga gawa niya’y walang kapintasan, mga pasya niya’y pawang makatarungan; siya’y Diyos na tapat at makatuwiran.
5 Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil, di na karapat-dapat na mga anak ang turing, dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail.
6 O mga mangmang at hangal na tao, ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo’y lumikha, at nagtaguyod na kayo’y maging isang bansa?
7 “Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon; tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin, pati ang matatanda at kanilang sasaysayin.
8 Nang ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain, nang ang mga bansa’y kanyang hati-hatiin, mga hangganan nito’y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya.
9 Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili, sila ang kanyang tagapagmanang lahi.
10 “Sa isang disyerto sila’y kanyang natagpuan, sa isang lupang tigang at walang naninirahan. Doon sila’y kanyang pinatnubayan, binantayan at doo’y inalagaan.
11 Isang inahing agila, ang kanyang katulad, sila’y mga inakay na tinuruan niyang lumipad;
upang ang Israel ay hindi bumagsak, sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak.
12 Si Yahweh lamang ang sa kanila’y pumatnubay, walang diyos na banyaga ang sa kanila’y dumamay.
13 “Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan, sila’y kumain ng mga ani sa kabukiran.
Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan, nakahukay rin ng langis sa lupang tigang.
14 Kanilang mga baka’t kambing ay sagana sa gatas; pinakamainam ang kanilang kawan, trigo, at katas ng ubas.