October 03, 2021 Nasakop Na Nila Ang Maburol Na Bansa Nang Anaceo (Josue 14:6-15)
6 Lumapit noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo’y nasa Kades-barnea.
7 Apatnapung taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan.
8 Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos.
9 Kaya’t ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa.
10 Apatnapu’t limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo’y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu’t limang taon na ako ngayon
11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako’y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho.
12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.”
13 Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron.
14 Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
15 Noong una’y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo.