Ang Pektora na Tinatak ang 12 Tribo (Exodo 39:8-21)
8 Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto.
9 Ito’y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad.
10 Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko.
11 Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante.
12 Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista.
13 At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto.
14 Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato’y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel.
15 Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral.
16 Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas.
17 Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto.
18 Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod.
19 Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral.
20 Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod.
21 Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito’y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh.