Ang Makatotohanang Paghanda Sa Templo (Exo 40:18-33)
18 Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste.
19 Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh.
20 Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa.
21 Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh.
22 Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing.
23 Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog.
24 Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at
25 iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh.
26 Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing.
27 Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh.
28 Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo.
29 Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh.
30 Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito’y nilagyan ng tubig.
31 Doon naghuhugas ng paa’t kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak.
32 Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises.
33 Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya.