November 08, 2020 Ang Pista ng Paskwa (Mga Bilang 9:1-14)
1 Nang unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sa Egipto ang mga Israelita, sinabi ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai,
2 “Iutos mo sa buong Israel na ipagdiwang ang Pista ng Paskwa sa takdang panahon,
3 paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng unang buwan ayon sa mga tuntunin tungkol dito.”
4 Gayon nga ang ginawa ni Moises.
5 Ipinagdiwang nga nila ang Pista ng Paskwa sa ilang ng Sinai noong gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan.
6 Noon ay may ilang taong nakahawak ng patay, kaya’t ang mga ito’y itinuring na marumi ayon sa Kautusan at hindi maaaring sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa. Dahil dito, lumapit sila kina Moises at Aaron.
7 Sinabi nila, “Totoo ngang kami’y marumi ayon sa Kautusan sapagkat kami’y nakahawak ng patay. Subalit dapat bang kami’y pagbawalang mag-alay ng handog kay Yahweh kasama ng mga Israelita?”
8 “Maghintay kayo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh tungkol sa inyo,” sagot ni Moises.
9 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
10 “Ganito ang sabihin mo sa buong Israel: Sinuman sa mga kamag-anak ninyo na itinuturing na marumi dahil nakahawak ng bangkay, o kababayan ninyong naglalakbay at nasa ibang bayan, ay maaari pa ring magdiwang ng Pista ng Paskwa.
11 Gaganapin nila ito sa kinagabihan ng ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Sa gabing iyon, kakain din sila ng korderong pampaskwa, tinapay na walang pampaalsa, at mapait na gulay.
12 Huwag din silang magtitira kahit kapiraso ng korderong pampaskwa at huwag din nilang babaliin kahit isang buto niyon. Sa pagdiriwang nila sa Paskwa, susundin nila ang lahat ng tuntunin ukol dito.
13 Ang sinumang malinis at hindi naglalakbay na hindi sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa ay ititiwalag sa sambayanan, sapagkat hindi siya naghandog kay Yahweh sa takdang panahon. Siya ay paparusahan.
14 “Ang dayuhang nakikipamayan sa inyo ay maaaring sumama sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa kung susundin niya ang mga tuntunin tungkol dito. Iisa ang tuntunin ng Paskwa, maging para sa mga Israelita o sa mga dayuhan.”