Ang Utos nang Diyos Tungkol sa Simbahan nang Tent sa Desyerto (Levitico 8:1-13)
1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa
3 at tipunin mo roon ang buong bayan.”
4 Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na,
5 sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila’y utos ni Yahweh.
6 Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila’y pinaliguan ayon sa rituwal.
7 Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang.
8 Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim.
9 Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh.
10 Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito’y nakalaan lamang kay Yahweh.
11 Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito.
12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh.
13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.