December 20, 2020 Ang solusyon sa lahat nang problema sa desyerto (Mga Bilang 19:1-10)
1 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
2 “Sabihin ninyo sa mga Israelita na pumili ng isang mapula-pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ito’y dadalhin nila sa inyo,
3 at ibibigay naman ninyo kay Eleazar upang patayin sa labas ng kampo habang siya’y nakatingin.
4 Ilulubog ni Eleazar ang kanyang mga daliri sa dugo nito at pitong ulit na wiwisikan ang harap ng Toldang Tipanan.
5 Pagkatapos, ang baka’y susunugin nang buo sa harapan ng pari, pati balat, dugo at dumi.
6 Habang sinusunog ito, ang pari ay kukuha naman ng kahoy na sedar, ng hisopo at lana, at isasama sa bakang sinusunog.
7 Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang kasuotan, maliligo siya, saka papasok sa kampo. Ituturing siyang marumi ayon sa Kautusan hanggang kinagabihan.
8 Ang kasuotan ng katulong sa pagsusunog ng dumalagang baka ay dapat ding labhan. Kailangan din siyang maligo at ituturing din siyang marumi hanggang kinagabihan.
9 Ang abo ng sinunog na baka ay iipunin ng sinumang malinis ayon sa Kautusan. Ilalagay ito sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. Ito ang gagamitin ng mga Israelita sa paghahanda ng tubig na panlinis ayon sa Kautusan, sapagkat ang dumalagang bakang iyon ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
10 Ang kasuotan ng mag-iipon ng abo ay lalabhan at ituturing din siyang marumi hanggang sa kinagabihan. Ang tuntuning ito’y susundin ng lahat habang panahon, para sa mga Israelita at maging sa mga dayuhang naninirahan sa bayan nila.