October 04, 2020 Ang Taong Maaari Nang Lumaban Sa Digmaan (Mga Bilang 1:1-19)
1 Noong unang araw ng ikalawang buwan matapos umalis sa Egipto ang sambayanang Israel, si Yahweh ay nangusap kay Moises habang siya’y nasa loob ng Toldang Tipanan na noo’y nasa ilang ng Sinai. Ang sabi ni Yahweh,
2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng buong sambayanan ng Israel ayon sa kani-kanilang angkan at lipi. Ilista ninyo ang lahat ng lalaki
3 mula sa gulang na dalawampu pataas, lahat ng maaari nang lumaban sa digmaan. Magpatulong ka kay Aaron
4 at sa pinuno ng bawat angkan.”
5-16 Ito ang mga pinuno ng bawat lipi na tutulong sa iyo:
Lipi Pinuno
Ruben Elizur na anak ni Sedeur
Simeon Selumiel na anak ni Zurisadai
Juda Naason na anak ni Aminadab
Isacar Nathanael na anak ni Zuar
Zebulun Eliab na anak ni Helon
Efraim Elisama na anak ni Amiud
Manases Gamaliel na anak ni Pedazur
Benjamin Abidan na anak ni Gideoni
Dan Ahiezer na anak ni Amisadai
Asher Pagiel na anak ni Ocran
Gad Eliasaf na anak ni Deuel
Neftali Ahira na anak ni Enan
17 Ang mga taong nabanggit ay isinama nina Moises at Aaron,
18 at noong unang araw ng ikalawang buwan, tinipon nila ang lahat ng Israelita. Itinala nila ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, ayon sa kani-kanilang lipi.
19 Ginawa nila ito sa ilang ng Sinai, ayon sa utos ni Yahweh.